AABOT sa 700 daga na ang nahuhuli sa ginaganap na Rat Catching Challenge sa Baguio City Public Market.
Nitong Mayo ay muling inilunsad ni Mayor Benjamin Magalong ang kumpetisyon para mapanatili ang kalinisan sa pampublikong pamilihan at mabawasan ang kaso ng leptospirosis.
Noong isang taon, pito ang nasawi sa sakit na nakukuha sa ihi ng daga. Ang seksyon ng palengke na may pinakamaraming mahuhuling daga ay makatatanggap ng premyong P25,000 habang ang ikalawa at ikatlong puwesto ay bibigyan ng P15,000 at P10,000.
Ang indibidwal naman na makakalambat ng pinakamarami ay may premyong P5,000. Kailangang dalhin sa isang collection point sa nasabing pamilihan ang mga daga, patay man o buhay.
Ang koleksyon ay mula lamang sa pagitan ng alas-8 ng umaga at alas-3 ng hapon, Lunes hanggang Sabado.
Magtatapos ang kumpetisyon sa Agosto 31. Noong 2020, kung kailan ito unang inilunsad, nakahuli ang mga vendors at leaseholders ng palengke ng 1,766 daga, karamihan ay mula sa Lechon Section, Pines Meat Mart at Entrails Section.