Zarate: Bayan Muna natalo dahil sa red-tagging; pero laban tuloy

HINDI man nanalo para makaupo sa Kamara nitong nakaraang halalan, tiniyak ng Bayan Muna partylist na tuloy pa rin ang laban nito.

Sa valedictory address ni outgoing Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, isinisi nito sa administrasyon ang hindi pagkakahalal sa Bayan Muna ngayong papasok na ika-19th Congress.

Ayon kay Zarate, ang walang tigil na red-tagging sa kanyang grupo ang dahilan kung bakit hindi sila nakasilat ni isang pwesto sa Kamara.

“Pagpatay, enforced disappearance, initimidasyon at pananakot, paninira, trumped-up charges, red-tagging, at, sa mundo ng internet, walang puknat na trolling at fake news–ang buong arsenal ng estado ay pinakawala nito laban sa Bayan Muna. Ang resulta nito: sa unang pagkakataon matapos ang dalawampu’t dalawang taon, walang kinatawan ng Bayan Muna ang mauupo sa ika-19 na Kongreso,” ayon kay Zarate.

“Hindi pa tapos ang laban. Higit kailan man, naghuhumiyaw pa rin ang makatuwirang panawagan ng ating mga mahihirap at aping mamamayan na baguhin ang umiiral na mapang-aping sistema! Sa bantang panunumbalik ng diktadurya at pagtutuloy ng tiraniya, makatuwiran lalung higit ang tumindig at lumaban para sa interes ng ating mamamayan at bayan,” dagdag pa nito.

Isa pang dahilan kung bakit anya natalo ang Bayan Muna ay dahil sa pagkasira na rin umano ng partylist system.

“Subalit nitong mga nagdaang mga taon, ang maliit na espasyong ito ay sumisikip na dahil sa institutional at systemic na kamalian ng partylist system at ng sistemang electoral sa ating bansa. Ang maliit na espasyong ito ay hinayaan ng estado na sakupin ng mga well-funded na political at economic interest groups,“ anya.

“Sa halip na ang mga kinatawan ng mga nasa laylayan ang maupo sa Kongreso, naging paligsahan na lamang ito ng datihang pulitiko o opisyal ng pamahalaan, mga kaalyado ng administrasyon, mga regional dynasty, mga negosyante. Ito ang magpaparupok at tuluyang wawasak ng sistemang partylist,” dagdag pa ni Zarate.