ISA ka rin ba sa milyong-milyong Pinoy na ramdam na ramdam na ang kahirapan kahit hindi pa man din tumatatama ang inaasahang global recession?
Ayon kay Camarines Sur (3rd District) Rep. Gabriel Bordado Jr. hirap na hirap na ang maraming Pinoy kahit hindi pa todo ang inaasahang recession dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin.
“Wala pang global recession ngayon ngunit ramdam na ramdam na ng karamihan sa ating mga kababayan ang matinding kahirapan. Prices of basic commodities have significantly increased. Meat products that cost P180 per kilo last year, now cost P280 to P350.00 per kilo. Even the once lowly galunggong is now P250.00 per kilo,” ayon kay Bordado sa kanyang privilege speech.
Dahil dito, nanawagan si Bordado sa mga kasamahan sa Kongreso na paghandaan na ito nang mabuti ang sinasabi ng International Monetary Fund (IMF) at Oxford Economics na babagal ang takbo ng ekonomiya ng bansa sa 2023.
Anya, hirap na hirap na ang maraming Pinoy sa impact ng implasyon na naitala sa 7.7 porisyento nitong Oktubre, pinakamataas na rekord sa nakalipas na 14 taon.
Maging si Pangulong Bongbong Marcos, anya ay nagpahayag na ang paglobo ng implasyon ay isang malaking concern ng kanyang pamahalaan lalo pa’t apektado nang todo rito ang cost of living ng bawat Pinoy.
Bagamat sanay ang mga Pinoy sa hirap, iginiit ni Bordado na dapat gumawa ng paraan ang pamahalaan para mapaghandaan ng tama ang sinasabing global recession.
“Mr. Speaker, we do need to protect our people from the impact of the global recession as well as the real and direct consequences of an economy that is very vulnerable to the shocks caused by global conflict, the Russian invasion of Ukraine, and the worsening climate crisis spawning extreme weather events and calamities,” anya pa.