KAILANGANG mag-move forward na ang bansa, himok ni Vice President Sara Duterte sa mga Pinoy matapos ang pagkakaaresto sa amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ni Sara ang pahayag nang matanong hinggil sa isinagawang pagdinig ng Senate committee on foreign affairs nitong Huwebes tungkol sa diumano’y “grand conspiracy’ na nagresulta sa pagkakaaresto at pagdadala sa dating pangulo sa The Hague, Netherlands.
Sinabi rin ni Sara na “pointless” na umano kung magagalit man siya sa sinasabing cospiracy na ito na diumano’y kinasasangkutan ng kaibigan ng pamilya na si National Security Adviser Eduardo Año.
“Sa totoo lang wala talaga akong nararamdaman. Hindi ako galit, hindi ako disappointed. Nothing at all. Kasi pointless naman na mag-harbor ako ng feelings about what happened. Hindi na siya maibabalik. Hindi na mababalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas,” ayon kay Sara.
“So what we should do as a country is move on from what happened. What will we do as our ways forward as a country and as a people from what happened. Magalit man tayo, walang mapupuntahan ‘yung galit natin dahil hindi naman ‘yan sila pananagutin ng pamahalaan eh.”
Tungkol naman sa sinasabi umanong nag-tradyor sa kanila, niliwanag ni Sara na hindi niya ito matawag na tradyor. Hindi naman niya binanggit kung sino ang sinasabing “naglaglag” sa kanyang ama.
“Hindi ko matawag siguro na traitor pero sigurado ako sa dami ng tao doon sa kwarto na ‘yun ay meron talagang nagsasabi kung ano ‘yung pinag-uusapan doon sa loob. Kung kanino nila sinasabi, hindi ko alam, pero kung sino ba ang nagsabi na may traitor, so malamang kung may nagsabi na may traitor doon sa loob, malamang siya ‘yung kausap,” pahayag pa nito.