WALA nang balak si Vice President Sara Duterte na tumanggap ng iba pang Cabinet position mula sa administrasyon Marcos matapos ang kanyang pagbibitiw sa Department of Education (DepEd).
“Hindi na ako magse-serve in another cabinet post sa sa Marcos administration,” pahayag ni Duterte sa panayam sa media matapos ang isinagawang ceremonial turnover ng liderato ng DepEd sa bagong kalihim ng ahensiya na si Sonny Angara.
Epektibo sa Biyernes (Hulyo 19, 2024) ang resignation ni Duterte.
Ayon sa bise presidente malungkot siya sa kanyang pagbibitiw dahil may ilang programa siyang hindi naisagawa.
“It is with a heavy heart that I leave the Department of Education. Minahal ko itong trabaho na ito. Mahal ko iyong mga kasama ko rito,” anya.
“So mayroon talaga akong regrets dahil gusto ko talagang tapusin iyong kung ano man iyong deliverables ng Marcos administration.”
Hindi pa rin binanggit ni Duterte ang dahilan ng kanyang pagbibitiw at sinabi na walang kinalaman dito si First Lady Liza Marcos.
“No, kasi wala naman ding kinalaman si First Lady sa trabaho namin ni Pangulong Marcos,” paliwanag niya.