NAGKASAGUTAN sina Sen. Raffy Tulfo at Sen. Cynthia Villar sa harap naman ng pagbili ng mga sakahan para gawing mga pabahay ng mga developer.
Sa isinagawang interpellation ni Tulfo sa panukalang budget ng Department of Agriculture para sa 2023, tinanong niya kung ano ang gagawin ng DA sa malawakang land conversion sa bansa kung saan ginagawang subdivision ang mga palayan.
“Lumiliit po nang lumiliit ang ating farmland. Binibili po ng malalaking developer at ginagawang residential at commercial land. Ano po ang ginagawa ng DA tungkol dito?” tanong ni Tulfo.
Itinanggi naman ni Villar na bumibili sila ng mga lupa sa mga probinsya, bagamat kinontra ito ni Tulfo sa pagsasabing nangyayari ito sa kanyang lalawigan sa Isabela.
“Where will the people live if you don’t build subdivisions,” giit naman ni Villar.
“Marami pong ibang lugar na pwede pong pagtayuan ng subdivisions. Wag lang po i-take over yung mga farms,” sagot naman ni Tulfo.