BINAWI ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nauna nitong kautusan na lusawin na ang Visiting Forces Agreement ng bansa sa Estados Unidos.
Ito ang naging desisyon ng Pangulo, ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, matapos ang pakikipagpulong ni Duterte sa bumibisitang Defense Secretary ng Estados Unidos na si Lloyd Austin III Huwebes ng gabi.
“The President decided to recall or retract the termination letter for the VFA,” ayon kay Lorenzana sa isang press briefing kasama ang opisyal ng Amerika.
Sa press statement na inilabas ng Palasyo, napagkasunduan umano ng dalawang panig na pagtibayin pa ang ugnayan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng “enhanced communication and greater cooperation, particularly in areas of pandemic response, combating transnational crimes, including drug war, maritime domain awareness, rule of law and trade and investments.”