NANINIWALA si Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez na isang “pagnanakaw” o “pang-aagaw” sa apat na milyong mahihirap na Pilipino ang plano ni Senador Imee Marcos na i-realign ang P13.4 bilyong budget ng 4Ps or Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa isinagawang briefing ng House committee on public accounts and social services, kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tinapyas nga sa Senado ng P13.4 bilyon budget na nakalaan sana sa 4Ps at ini-realign sa ibang proyekto.
“Lumabas ‘yung House version natin, maintained intact ‘yung pera ng 4Ps. Now I don’t know what happened in the Senate, why all of a sudden P13 billion was slashed. At dahil sa P13 billion natanggal, mayroon 843,000 Filipino families, which is around 4 million poor Filipinos, ang hindi nakatanggap dahil sa budget cut,” pahayag ni Suarez sa hearing.
“Ayun ang malungkot. Ngayon hindi ko alam kung paano natin ilalarawan ang isang sitwasyon na ninakawan natin ang isang mahirap. Kasi kalimitan, ang mga mayaman ang ninanakawan. Kaso lang hindi dapat ninanakawan ang mahihirap. Kasi wala na nga silang pera,” dagdag pa nito.
“Tatanggalan pa natin sila ng dapat nila matanggap. Sa palagay ko, hindi kaya ng sikmura ko yan,” giit pa ng kongresista.
Anya, hindi niya matanggap kung bakit ipinipilit ni Marcos na i-realign ang budget ng 4Ps sa ibang programa.
Matatandaan na inamin ni Marcos ang pag-realign ng 4Ps budget sa ibang program gaya ng supplemental feeding, KALAHI-CIDSS, Quick Responde Fund for disasters at AICS.