KINUWESTIYON ng mga mambabatas ang desisyon ng isang korte matapos ipawalangsala ang anak ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla’s na si Juanito Jose Remulla III sa kasong illegal drug possession laban sa kanya.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Albay Rep. Edcel Lagman sa pagsasabing ilang taon nang naghihintay ng hustisya si dating Senador Leila de Lima.
“It is grossly unfortunate that the exoneration of a Remulla scion was swift but the liberation of former Sen. Leila de Lima is stranded in the dark tunnel of injustice,” sabi ni Lagman.
Sinabi naman ni dating Bayan Muna party-list representative executive vice president Carlos Isagani Zarate na inabot lamang ng tatlong buwan ang pagdinig sa kaso ni Remulla kumpara sa mga mahihirap na mga inmate na dekada nang nasa kulungan.
“Di tuloy natin masisi ang karamihan sa ating mga kababayan na mag-isip na ang batas at hustisya sa Pilipinas ay nakakiling sa mga mayayaman at makapangyarihan samantalang ginagamit naman laban sa mga mahihirap at inaapi,” sabi ni Zarate.
“As it is, making the rule of justice reign in our country is a continuing struggle and challenge still for our people and all the stakeholders of our skewed justice system,” dagdag ni Zarate.