NAGPALIPAS ng gabi sa airport sa Georgia, USA si Sen. Raffy Tulfo at pamilya makaraang ma-delay ang kanilang flight.
“Dahil sa nadelayed ang aming flight sa Bahamas, naiwan kami ng aming connecting flight sa Atlanta, Georgia kaya napilitan kaming magpalipas ng gabi sa airport para sa maagang rebooked na flight kinabukasan,” ani Tulfo sa Facebook post.
Dahil sa naranasan na abala, sinabi ni Tulfo mas lalo niyang naintindihan ang pakikibaka ng mga Pinoy na nakararanas ng delay sa mga paliparan sa bansa, partikular sa Ninoy Aquino International Airport.
“Hindi sinasadya, naranasan ko rin ang hirap na nararanasan ng maraming mga pasaherong na-stranded dahil nakansela o naiwan sila ng kanilang flight kaya napipilitang matulog sa airport,” sambit niya.
“Pero sa nangyari sa amin, walang inoffer na ano mang pakunswelong assistance ang Delta Airlines,” dagdag ng senador.
Dahil dito, nangako ang senador na mamadaliin niya ang Department of Transportation na simulan ang kanyang mga rekomendasyon upang mapabuti ang airport passenger assistance sa mga pasahero.
Kabilang sa kanyang mungkahi ang pagbibigay ng snacks, free shuttle service, at hotel accommodation sa mga nakansela ang flight.
“Nangako ang DOTR na agarang tutugunan nila ang mga magiging hinaing ng mga pasahero sa mga airport natin,” ani.
“Sisiguraduhin kong masusunod ang mga napag-usapan namin ng DOTR sa nasabing budget hearing,” dagdag niya.