Saudi Crown Prince bibisita sa Pinas

INIHAYAG ni Pangulong Bongbong Marcos na nakatakdang bumisita sa bansa si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman matapos ang matagumpay nilang bilateral meeting sa sideline ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand. 

“Well, sinabi ko sa kanya na kailangan niyang makabisita. And he surprised us all, he said, ‘Yes, I have to because my second mother comes from the Philippines,'” sabi ni Marcos kaugnay ng pagbisita ng Saudi Crown Prince.

Idinagdag pa ni Marcos na mismong ang prinsipe na ang nagsabi na walang Saudi Arabian na walang kaibigang Pinoy. 

“And I guess totoo ‘yun dahil talagang we have been part — we have become part really of their society and workforce,” dagdag ni Marcos. 

Nauna nang inihayag ni Marcos na nangako ang Saudi Crown Prince na babayaran ng kanilang gobyerno ang hindi nabayarang sweldo ng 10,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos magdeklara ng bankcruptcy ang kanilang mga kumpanya noong 2015 at 2016.