PATULOY ang pagbaba ng satisfaction rating ni Pangulong Duterte, base sa pinakahuling survey ng Social Weather Station.
Gayunman, majority pa rin ng mga Pinoy ang natutuwa sa performance ng pangulo.
Sa isinagawang survey nitong Setyembre 12 hanggang 16, 67 percent ng mga Filipino ang nagsabi na satisfied sila kay Duterte bilang punong ehekutibo, mas mababa ng walong porsiyento sa 75 percent na naitala noong Hunyo.
Ayon pa sa survey, 15 percent naman ang nagsabi na hindi sila satisfied habang 11 percent ang undecided.
Sa usapin ng net satisfaction rating (percent satisfied minus percent dissatisfied), naka-iskor lang si Duterte ng +52, 10 porsiyento na mas mababa sa naitala noong Hunyo na +62. Gayunman, nanatili pa ring very good ang nasabing rating.
Malaki ang ibinaba ng rating ni Duterte sa Luzon matapos makapagtala ng 15 percent drop.
Bumaba rin siya sa Visayas ngunit binawi naman ito ng mataas na rating sa Mindanao.