Roque sa bashers: Tahimik sa WPS, kayo lang nagpapagulo

IPINAGDIINAN ng Malacañang na walang tensyong nagaganap sa Pilipinas at China sa West Philippine Sea kahit marami ang nagpoprotesta sa pagkumpol-kumpol ng mga sasakyang pandagat ng China sa pinagtatalunang teritoryo.


Bagamat inaamin na may problema, iginiit ni presidential spokesperson Harry Roque na ang mga kalaban lang ng administrasyon Duterte ang gumagawa ng away sa pagitan ng Pilipinas at China.


“Wala po akong nakikitang tension sa West Philippine Sea. Ang tension po ay binubuo ng mga kritiko dito lang sa Pilipinas po,” ani Roque.


“Pero sa labas naman po ng Pilipinas, alam naman po natin na may problema pero wala naman pong tension, hindi po gaya noong nangyari doon sa Scarborough Shoal. Ang ingay po ay nandito sa Pilipinas lamang,” dagdag niya.