TIGAS sa pagtanggi si presidential spokesperson Harry Roque na gumamit siya ng impluwensya kaya madali siyang nai-confine at nagamot sa ospital.
Ani Roque, “in bad shape” siya nang isugod sa Philippine General Hospital noong isang linggo.
Mga Covid patients lang na may moderate at severe na sintomas ang tinatanggap sa mga ospital, dagdag niya.
“Hindi po pupuwede ang palakasan dito,” giit ni Roque matapos siyang akusahang gumamit ng kapangyarihan para maunahan ang ibang pasyente.
Sinabi pa ng opisyal na nagkaisa umano ang kanyang mga doktor, na pawang nagtatrabaho sa PGH, na dapat siyang matingnan agad sa ospital.
Aniya, kilalala na niya mula pa noong nagtuturo siya sa UP ang mga doktor na tumingin sa kanya sa PGH.
Idinagdag pa ni Roque na umayos lang ang pakiramdam niya nang bigyan siya ng Remdesivir, isang anti-viral medicine.