INUTUSAN ni “number one senator” Robin Padilla na magbitiw na sa kanilang mga puwesto ang mga mandarambong na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay Senator-elect Robin: “Sa akin pong palagay, kung sino man po talaga ang mapapatunayan diyan, unang-una, mag-resign ka. Dapat uso na sa Pilipinas ‘yung ganyan, ‘yung resignation.”
“‘Pag naimbestigahan ka, unahan mo na kaagad ng resignation. Sana magkaroon na tayo ng ganu’ng klaseng delicadeza, hindi ‘yung ‘pag naimbestigahan ka. Dito sa atin kasi nakakapit-tuko pa rin sa posisyon niya,” dagdag niya.
Hindi rin sapat, hirit pa ni Robin, na humingi lang ng tawad ang mga tiwaling opisyal.
“Bakit tanggalin lang? Alam n’yo ang tinuro po sa akin ng Development Academy of the Philippines, dito sa ating bayan kulang sa accountability ‘yung ating mga naka-posisyon sa gobyerno. Hindi pwedeng puro sorry,” sagot niya nang tanungin kung dapat bang alisin ang mga sangkot sa smuggling sa ilalim ng administrasyong Marcos.
“Kayo ay nanumpa sa harapan ng Panginoong Diyos at nanumpa sa harapan ng taumbayan na kayo ay magsisilbi at poproteksyunan ninyo ang sambayanang Pilipino tapos kayo ang mag-uumpisa ng kalokohan?” sabi pa ng aktor-politiko.