KUNG si Sen. Risa Hontiveros ang tatanungin, mas mabuti na isang education expert ang mamumuno sa Department of Education (Deped) kasunod ng mga ulat na si presumptive vice president Sara Duterte-Carpio ang itatalaga sa kagawaran.
“I don’t know what the incoming, the presumptive vice president’s track record is in education. I would have guessed other education experts to helm that important department,” ani Hontiveros sa isang panayam.
Punto ni Hontiveros, ang DepEp ang isa sa mga ahensya na mayroong pinakamalaking budget. Ito rin ang responsable sa mga isyung pang-edukasyon na resulta ng pandemya.
“Napakahalaga sana… na ang hahawak ng education department, ang magpapatupad nung kaka-sponsor lang namin sa Senado na Education Commission II, ang tutugon sa iba’t-ibang problemang sa ating namuong education crisis pre-pandemic up to during the pandemic until now, ay isang education expert,” aniya pa.
Nangako naman si Duterte-Carpio na magpapatupad siya ng mga reporma sa DepEd.
“Ako, bilang susunod na Secretary ng Department of Education, sisiguraduhin ko na ang ating gobyerno ay tumutugon sa tawag ng panahon,” aniya sa Facebook live.
“Nangako ako na isusulong ang mga reporma sa DepEd para makabuo tayo ng mga kabataang Pilipino na pursigido na makamit ang kanilang full potentials bilang mga indibidwal,” dagdag niya.
“Kailangan natin ngayon ang bagong henerasyon na may disiplina at pagmamahal sa bayan, mga batang Pilipino na tutulong sa pamahalaan para sa pagpapanday at pagpapatibay ng kapayapaan at kaunlaran sa ating bansa,” sabi pa ni Duterte-Carpio.