KAILANGAN nang irehistro ang mga luma at bagong subscriber identification module o SIM card simula Disyembre 27, 2022.
Ito ay ayon sa National Telecommunications Commission (NTC) base na rin sa inilabas na implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 11934 o SIM Registration Act ngayong Lunes.
May anim na buwan ang mga kasalukuyang may-ari ng SIM card para magrehistro para maiwasan ang deactivation.
Mananatili namang deactivated ang mga bagong SIM card hanggang makumpleto ng mga end-user ang proseso.
Isasagawa ang registration sa pamamagitan ng isang website na ibibigay ng mga telecommunication companies.
Kasama sa hihinging impormasyon ang pangalan, birthdate, gender, at address. Kailangan ding magbigay ng identification card.