HINIKAYAT ng mga miyembro ng Quad committee ng Kamara si dating Presidential Spokesperson Harry Roque na sumuko na ito matapos ibasura ng Korte Suprema ang inihain niyang petisyon laban sa arrest warrant na inilabas ng komite.
Ginawa ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panawagan matapos ibasura ng Korte Suprema ang hiling na writ of amparo na inihain ni Roque para makatakas sa pagkakadetine habang inuusisa ng Quad Com ang kanyang involvement sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“Sumuko ka na, Attorney Roque,” ani Fernandez, kasabay ang panawagan na huwag takasan ang responsibilidad na magpaliwanag.
“Hindi na ito ang panahon para magpalusot. Attorney Roque should face the music and answer the allegations in the proper forum. Ang batas ang dapat manaig. Hindi dapat itago ni Roque ang kanyang sarili sa likod ng mga technicalities o mga writ na wala namang basehan,” dagdag pa nito.
Hirit naman ni Barbers kay Roque na pairalin nito ang rule of law matapos ang desisyon ng Korte Suprema.
“Kung walang itinatago si Attorney Roque, bakit siya nagtatago,” ayon kay Barbers.
“If he believes he is innocent, he should welcome the opportunity to clear his name in a proper legal forum. Trying to escape through technicalities only raises more suspicions,” dagdag pa nito.