INAPRUBAHAN ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbibigay ng proteksyon, seguridad at benepisyo sa mga nagtatrabaho sa industriya ng media.
Sa botong 252, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang House Bill 454 na konsolidasyon ng iba’t ibang panukalang batas.
Layunin ng batas na magbigay ng minimum na kompensasyon sa mga manggagawa sa media na hindi bababa sa itinakda ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.
Sa ilalim ng House Bill 454, dapat bigyan ng karagdagang bayad para sa overtime at night shift.
Kailangan din silang isama sa Social Security System, Home Development Mutual Fund or Pag-IBIG Fund at Philippine Health Insurance Corp.
Isinusulong din ng panukala ang hazard pay na P500 kada araw.
Kailangan din tiyakin ng employer na may safety gear ang mga miyembro ng media na itatalaga sa mga mapanganib na lakad kagaya ng bulletproof vest at protective equipment.
Pagkakalooban din sila ng P200,000 na death benefit, disability benefit na P200,00 at medical insurance na P100,000.
Kailangan din silang maging regular na empleyado makalipas ang anim na buwan.