Postponement ng Barangay, SK elections kinuwestyon sa Korte Suprema

NAGHAIN ng petisyon ang election lawyer na si Romulo Macalintal na kumukwestyon sa pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan polls na dapat ay gagawin sana sa Disyembre 2022.

Sa 27-pahinang petisyon, kinuwestyon ni Macalintal ang constitutionality ng Republic Act No. 11935 na nagpapaliban sa halalan at pagtakda nito sa 2023.

Ayon sa abogado, hindi maaaring payagan ang Kongreso na ipagpaliban ang eleksyon o pi-extend ang termino ng mga opisyal ng barangay. Anya, magagawa lamang ito kung maisasabatas ang pagsasaayos ng termino ng mga nasabing opisyal.

“The power to postpone elections is within the exclusive jurisdiction of the Commission on Elections (Comelec) after it has determined that serious causes, as provided under Section 5 of the Omnibus Election Code (OEC), warrant such postponement,” paliwanag ni Macalintal.

“Thus, by enacting a law postponing a scheduled barangay elections, Congress is in effect executing said provision of the OEC or has overstepped its constitutional boundaries and assumed a function that is reserved to Comelec,” giit pa niya.

Kamakailan lang ay pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukala na naglilipat ng araw ng halalan para sa barangay at SK.

Giit pa ni Macalintal, walang dahilan para i-postpone ang halalan kung ang pagbabasehang mabuti ay ang Omnibus Election Code.

Sinasabi sa Omnibus Election Code, maaari lamang ipagpaliban ang halalan kung may “serious causes” gaya ng ” violence, terrorism, loss or destruction of election paraphernalia or records, force majeure, and other analogous causes that make holding of elections impossible.”

Anya pa walang “prior determination” para ipagpaliban ang halalan.