DAPAT umanong hikayatin ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga bangko na maging maluwag muna sa kanilang mga kliyente habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine.
“Pinababa na ng BSP ang interest rates at nagbigay na sa mga bangko ng regulatory relief. Kaya rin nitong hikayatin ang mga bangko na magbigay ng kaluwagan sa kanilang mga kliyente sa panahon ng kagipitan,” panawagan ni Senador Grace Poe.
Sa pagsusuri ng International Monetary Fund sa ekonomiya ng Pilipinas na inilabas nitong nagdaang linggo, nakitang hindi masyadong tumaas ang ‘bad loans’ tulad nang inisyal na inaasahan.
Kinilala ni Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, ang BSP dahil sa paglatag nito ng batayan para mapalakas ng mga bangko ang kanilang kapital ilang taon na ang nakalipas.
“Ang pagbibigay ng payment flexibility sa mga konsyumer habang nasa ECQ ay mahalaga para makaiwas sila sa financial ruin. Tayo ay consumer-driven economy at mahalagang matulungan silang makabangon para maitaguyod ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa,” lahad ni Poe.
Sa pinakabagong datos ng BSP, ang kabuuang pautang ng commercial at universal banks ay nagkakahalaga ng P9.8 trilyon nitong katapusan ng Hunyo 2021. Ang consumer loans, na tinawag din ng BSP na pautang para sa household consumption ay nagkakahalaga lamang ng P817.4 bilyon, na ika-10 bahagi lamang ng kabuuang pautang.