TILA nahimasmasan na si Partido Reporma standard-bearer at Senador Panfilo Lacson sa pagsusulong niya sa pagbuhay sa death penalty.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Lacson na nagdadalawang-isip na siya kung isusulong pa ang death penalty o hindi na.
“Ako nagpa-file lagi ng bill tungkol sa death penalty, pero maraming mga development na ako mismo ngayon ay nagdadalawang isip,” ani Lacson kasabay ang pagtukoy sa maraming life stories kung saan napaparusahan ng kamatayan ang mga walang kasalanan.
“Merong mga true to life stories or accounts sa ibang bansa na talagang nae-execute na walang kasalanan. Ito yung dapat pag-aralang mabuti, ano yung mas matimbang, yung nabibiktima ng sadyang talamak na kriminal o notorious o yung isa na napaparusahan at nakikitilan ng buhay na pagkatapos ay malalaman na wala palang kasalanan,” paliwanag ni Lacson.
Ang death penalty ay isa sa top legislative agenda ng Senado ngayong taon. Kabilang ito sa top-20 list na iniharap noong Enero ng runningmate ni Lacson na si Senate President Vicente Sotto III.