INILIPAT na sa Pasay City Jail ang dalawang Pharmally executive matapos hindi makipagtulungan sa Senado sa isinasagawang imbestigasyon ng diumano’y ma-anomalyang pagbili ng mahal na medical supplies.
Dumating sa Pasay City Jail sina Pharmally executive Mohit Dargani at Linconn Ong bago mag-alas 2 ng hapon. Nagnegatibo rin ang COVID-19 pagkatapos kunan ng antigen test.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ng Senate blue ribbon committee na ilipat sina Dargani at Ong sa Pasay City Jail dahil sa hindi nila pagsumite ng mga financial documents ng kumpanya.
Sinasabing makatutulong ang mga dokumento sa pagbibigay ng linaw sa akusasyon na mahal ang pagkakabili ng gobyerno ng medical supplies mula sa nasabing kumpanya noong nakaraang taon.
Iniimbestigahan ng Senate panel ang Pharmally matapos lumabas sa mga talaan na ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ay nag-award ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kontrata ng gobyerno sa kumpanya.
Nauna nang sinabi ng ilang senador na ang PS-DBM ay bumili ng mahal na presyo ng mga face mask at RT-PCR test kits mula sa kumpanya.