NANINDIGAN ang Philippine Coast Guard (PCG) na pag-aari ng Pilipinas ang Ayungin Shoal sa harap ng patuloy na presensiya ng mga barko ng China sa lugar.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore na Jay Tarriela na matapos umalis ng Chinese Coast Guard na sangkot sa paggamit ng military-grade laser, isa namang barko ng China ang pumalit sa Ayungin Shoal.
“Hindi natin pinag-aagawan ang Ayungin Shoal. Ang Ayungin Shoal ay napapaloob sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. So tayo, hindi tayo nakikiagaw, this is not disputed as far as the Philippine government is concerned – atin ito,” sabi ni Tarriela.
Idinagdag ni Tarriela na 26 na Chinese maritime militia ang namataan sa bisinidad malapit sa Sabina.
“And then noong tumuloy na kami sa Ayungin Shoal ay nakita namin ang isang China Coast Guard vessel 5304, at sa loob ng shoal mismo ng Ayungin ay mayroon namang apat na Chinese maritime militia,” aniya.
Aniya, sinabihan na ng PCG ang China Coast Guard na umalis sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.