Parlade nagsori sa pagtawag ng ‘stupid’ sa mga senador

HUMINGI ng paumanhin si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesman Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. sa pagtawag niya ng “stupid” sa mga senador na nais tanggalan ng pondo ang task force.


Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Parlade na handa siyang humarap at makipag-usap sa mga senador.


“I’d like to reach out to our senators. Huwag naman nila ganyanin ang Armed Forces. Huwag naman nilang ganyanin ang mga spokesperson,” aniya.


Ipinaliwanag din ng opisyal na hindi lahat ng senador ay sinabihan niya ng “stupid” kundi iyon lamang na nais alisan ng pondo ang NTF-ELCAC.


Ayon pa kay Parlade, wala siyang sinasahod bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC.


“Alam mo ba na libre itong ginagawa namin sa NTF-ELCAC? Wala kaming pisong duling na natatangap sa NTF-ELCAC,” giit niya.