TINAGGAP ni Senador Manny Pacquiao ang hamon ni Pangulong Duterte na pangalanan ang mga ahensiya ng pamahalaan na walang humpay ang korupsyon.
Sinagot din ng senador ang akusasyon ni Duterte na siya ay sinungaling.
“Tinatanggap ko ang hamon ng Pangulong Duterte. Salamat po at binigyan nyo kami ng pagkakataon na tumulong sa inyo at bigyan kayo ng mga impormasyon para kampanya kontra korapsyon,” ayon kay Pacquiao.
Matatandaan na nitong Lunes, inatake ni Duterte si Pacquiao at tinawag itong “sinungaling” at hinamon na patunayan na merong korupsyon sa kanyang administrasyon kung hindi mangangampanya siya laban sa senador sakaling tumakbo ito sa 2022 presidential elections.
Ayon kay Pacquiao hindi siya sinungaling, at sa katunayan sa bibig mismo ng pangulo galing ang mga salitang matindi ang korupsyon sa pamahalaan ngayon.
“Mawalang galang po mahal na Pangulo, nguni’t hindi ako sinungaling. May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama nguni’t dalawang bagay ang kaya kong panghawakan. Hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling,” ayon pa sa senador.
“Ang Pangulo mismo ang nagbanggit sa kanyang pahayag noong October 27,2020 na lalong lumalakas ang korapsyon sa gobyerno. In his own words sinabi niya na ‘I will concentrate the last remaining years of my term fighting corruption kasi hanggang ngayon hindi humihina lumalakas pa lalo’,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa senador, unang dapat busisiin ay ang Department of Health. At hinamon si Health Secretary Francisco Duque III kung kaya nitong maglabas ng mga dokumento na naglalahad ng kabuuang ginastos ng gobyerno sa pagbili ng testing kits, mask, PPE at iba pa.