IPINAGTANGGOL ni Public Attorney’s Office Chief Atty. Persida Acosta ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng PAO at ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng pagbibigay ng tulong na legal sa mga mahihirap.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Acosta na bagamat matagal na ang PAO, marami pa ring mga Pinoy ang hindi nakaaalam sa programa nito.
“Dahil may 32 milyong Pilipinong bumoto po kay VP Inday Sara ay sa kanya nagpapatulong para marating ang ating mga tanggapan. Kaya napakaganda niyan sapagkat ang access to justice, rule of law, equity – iyan po ay bahagi ng pagpapaunlad ng ating lipunan para magtiwala po ang mga investors at gumanda ang ating ekonomiya,” sabi ni Acosta.
Idinagdag ni Acosta na maaaring idulog ang mga kaso katulad ng labor, criminal, civil at quasi-judicial sa tanggapan ng PAO.
“Maging iyong mga taxpayers natin na biglang kinukulong at walang private lawyer na available, puwede tayong magbigay ng limited, provisional and temporary assistance hanggang maka-appear na iyong kanilang private lawyer,” ayon pa kay Acosta.