MINALIIT ni Pangulong Duterte ang napanalong kaso ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal laban sa China kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea (WPS) sa pagsasabing papel lamang ang halaga nito.
“Tapos sabi nila itong papel na sa kaso nanalo tayo i-pursue mo. Pinursue (pursue) ko, walang nangyari. Sabi… Actually in — sa usapang bugoy, sabihin ko sa iyo ibigay mo sa’kin, sabihin ko sa’yo p***** i**, papel lang ‘yan. Itatapon ko ‘yan sa wastebasket,” sabi ni Duterte sa kanyang Talk to the People Miyerkules ng gabi.
Idinagdag ni Duterte na magsasayang lang ng oras ang Pilipinas kung iaakyat ang isyu sa United Nations.
“Ngayon gusto nila pumunta ako sa United Nations magmakaawa naman ako doon, kung sino-sinong lapitan ko. Ipagpatuloy ko raw ‘yong away kasi I’m wasting my time and at the same time disrupting the good relations of China and the Philippines,” dagdag ni Duterte.
Muli rin niyang binanatan sina retired Senior Associated Justice Antonio Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario sa pagkawala ng ilang isla ng Pilipinas sa WPS.
Ayon kay Duterte, handa rin siyang magbitiw kung mapapatunayang mali ang kanyang mga pahayag.
“Ngayon, kung ako ‘yong nagsisinungaling, mag-resign ako bukas kaagad. Iyan ang garantiya ko sa inyo,” sabi ni Duterte.