Palasyo kay Trillanes: Libre mangarap

MALAYA si dating Sen. Antonio Trillanes IV na tumakbo sa presidential election sa 2022.


“Una, libre pong mangarap, so hayaan po nating mangarap na maging presidente si dating Senador Trillanes. Karapatan po niya iyan bilang isang Pilipino,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


Pero, dagdag ni Roque, tila mananatiling pangarap na lang ang nais ni Trillanes na maging standard bearer ng 1Sambayan Coalition.


“Mukhang hindi naman siya makakatakbo dahil nilinaw po ni Vice President Leni na tatakbo pa rin siya ‘no, at least nandiyan pa rin iyong plano,” dagdag ni Roque.


Kasabay nito, kinontra ni Roque ang pahayag ni Trillanes na napapanahon ang kanyang pagtakbo sa harap ng pandemyang nararanasan sa bansa.


“Wala pong katuturan ‘yung sinasabi niya na survival dahil wala pong issue na hindi po tayo magwawagi laban sa COVID-19 at wala pong kahit anong banta sa ating mga institusyon na demokrasya,” giit pa ni Roque.