NAGHAIN si Senador Robin Padilla ngayong Marter ng kanyang unang 10 panukalang batas.
Isa sa mainit na panukalang kanyang isinusulong ay ang pagsuspinde ng excise tax na ang layunin ay tugunan ang problema ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Naihain na po natin ang unang 10 prayoridad na panukalang batas sa Senado para sa ika-19 na Kongreso,” ayon kay Padilla sa kanyang Facebook post.
“Simula pa lamang po ito. Tututukan, aaralin at isusulong natin ang mga adbokasiya na tutugon sa samu’t saring isyu na malapit sa ating bituka – kasama rito ang mataas na presyo ng petrolyo, mga problema sa agrikultura at food security, at talamak na diskriminasyon,” dagdag pa niya.
Inihihirit din ni Padilla ang pag-amyenda sa kontrobersyal na Rice Tariffication Law at ang Divorce bill.
Hindi pa kabilang dito ang mga panukala na naglalayong baguhin o amyendahan ang Constitution na magbibigay daan sa isinusulong niyang federalismo.