INAMIN ni presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao na tinamad siyang dumalo sa mga pagdinig sa Kamara kung kaya naging top absentee siya noong kongresista siya.
Pero ipinaliwanag ng dating Saranggani Representative na mas pinagtuunan niya ang pagpapatayo ng “Pacman Village” na naglalayong bigyan libreng pabahay ang mga residente ng probinsya.
“Ang binabasehan nilang absent ako noong panahon ng congressman ako, kasi po sa kadahilanan na congressman ako, ay tinatamad ako doon sa Kongreso,” ayon kay Pacquiao.
“Dahil kapag privilege speech ng isang congressman ng isang probinsya, matagal, mahaba, and then wala naman ako pakialam doon sa kanyang issue ng kanyang probinsya, distrito niya,” dagdag ng mambabatas.
“Minabuti ko doon ako nanatili sa probinsya dahil nagpapagawa ako ng mga Pacman village doon. Doon ako nakatutok, dahil mas mabuti pa tutukan ko ang mga pabahay ko doon noong time na yon, dahil excited ako, masaya yung mga pamilya, bibigyan mo ng sariling tahanan, libre, wala silang binabayaran, nage-enjoy ako,” dagdag pa niya.
Ngunit sinabi ni Pacquiao na nabawasan ang pag-absent niya nang maging senador kaya nakapag co-author ng 96 na panukalang batas. –A. Mae Rodriguez