IBINULGAR ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na plano ni dating senador Manny Pacquiao na tumakbo sa pagkasenador darating na eleksyon.
Ngayong Biyernes ng umaga ay bumisita ang Pangulo sa General Santos City para mamahagi ng ayuda at isa si Pacquiao sa mga sumalubong sa kanya.
Bago magtalumpati, binati ni Marcos ang mga bisita kabilang si Pacquiao.
“Hindi na natin kailangan ipakilala at babatiin ko na lang ang idol ko, ang idol n’yo, ang idol natin lahat: ang dating senador at babalik na senador, Senator Manny Pacquiao,” wika ng Pangulo.
Ngiti lang ang naging sagot ni Pacquiao sa ginawang pambubuking ng Pangulo sa plano para sa May 2025 midterm elections.
Sa isang ambush interview, kinumpirma ni Pacquiao na muli nga siyang tatakbo sa pagkasenador.
“Yes, yes… [Under] PFP (Partido Federal ng Pilipinas),” aniya.