Pacman sa Duterte supporters: Pagbigyan ang iba na maging presidente




UMAPELA si Sen. Manny Pacquiao sa mga nagtutulak kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagkapangulo sa susunod na taon na pagbigyan naman ang iba na humalili kay Pangulong Duterte.


Pero klinaro ni Pacquiao na hindi pa siya desidido kung tatakbo siya bilang pangulo sa 2022 elections.


Sinabi naman niya na hindi siya mapipilit o mapipigilan na tumakbo ng sinuman.


“Democratic country tayo, so lahat, kahit sino, pwede tumakbo,” ani Pacquiao.


Naniniwala naman ang senador na ang pagiging pangulo ay may basbas ng Diyos.


“Madami gusto maging presidente pero ‘di sila pinayagan ng Panginoon maging presidente,” aniya.


Samantala, sinabi niya hindi umano makabubuti kay Pangulong Duterte na tumakbo bilang bise presidente.


“Nagsulat ako sa Pangulo na magkaroon kami ng meeting, as a chairman and president, para pag-usapan namin ‘yung plano ng partido. Pag-usapan namin lahat kung bagay ba, tama ba na baba siya, kung maganda ba o hindi … ako naman diretso ako magsalita eh. ‘Di naman ako paligoy-ligoy,” ani Pacquiao na umaming hindi pa sila nagkakapag-usap ni Duterte.