Pacman: P10 bilyon pondo sa SAP nawawala

ISINIWALAT ni Sen. Manny Pacquiao na nawawala ang P10.4 bilyon pondo para sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan kung saan hindi umano nakatanggap ang 1.3 milyon benepisyaryo dahil kailangan pang gumamit nang hindi kilalang e-wallet na Star Pay.


“Nalulula po ako. Doon po sa binanggit ko na isang isyu lamang P10.4 billion na po kaagad ‘yon. Malaking pera po,” ani Pacquiao sa mga mamamahayag bago siya lumipad patungong US para sa nakatakdang laban niya kay Eroll Spence.


“Batay sa ating imbestigasyon, lumabas na sa inisiyal na disbursement sa Star Pay account para sa 1.8 million beneficiaries, na katumbas ng 14 billion. Bakit parang 1.8 million na binigyan ng SAP sa Star Pay ay 500,000 lamang po na katao ang naka-download nito?” aniya.


“Sa mga hindi po nakakaalam, hindi ka pwedeng mag-receive and withdraw kung wala kang nada-download na Star Pay app. Ang tanong ko po, ano ang nangyari sa 1.3 million na katao na hindi naka-download sa Star Pay app ngunit sa record po ay nakatanggap sila ng ayuda?” dagdag ng senador.


Aniya, maghahain siya ng panukala sa Senate Blue Ribbon Committee upang maimbestigahan ang Star Pay at mga ahensyang kaugnay sa umano’y katiwalian.


Isiniwalat din ni Pacquiao na naglaan ang Department of Social Welfare and Development ng P50 bilyon para sa application gayung ang paid up capital lang nito ay P62,000.