Pacman may resbak vs Du30 admin; ebidensya ng katiwalaan pasasabugin

PINAYUHAN nina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III si Sen. Manny Pacquiao laban sa gagawin nitong expose ukol sa katiwalian sa gobyerno dahil baka siya sumablay.


Ayon kay Lacson, nagkausap sila ni Pacquiao sa gitna ng patutsadahan ng huli at ni Pangulong Duterte.


“Sabi niya, (Pacquiao) ‘Alam mo boss, marami akong balak.’ Sabi ko, ‘Medyo tignan mo ring mabuti kung ano ‘yung hinahawakan mo, mahirap na baka mapasukan ka ng fake na ebidensya o dokumento, ang balik niyan sa iyo matindi’,” ani Lacson.


“Kung sakali namang meron, mas magandang pag-aralan munang mabuti. (Pero) mukhang desidido siya (Pacquiao). Sabi niya nga, ‘Talagang kumpleto ako, hindi ako magsasalita nang wala’,” dagdag ni Lacson.


Ayon sa senador, hawak ni Pacquiao ang mga dokumento na magpapakita ng umano’y katiwalian sa ilang matataas na tanggapan ng pamahalaan.


Idinagdag ni Lacson, hindi nila alam ni Sotto kung ano ang laman ng dokumento ni Pacquiao.


“Sabi niya, ‘Bago ako umalis ng Sabado, mayroon akong ibabahagi sa mga media’,” ani Lacson.


Nakatakdang magtungo sa US si Pacquiao para maghanda sa laban nila ni Errol Spence Jr. sa Agosto.