MAY himig-pagbabanta ang sinabi ni Sen. Manny Pacquiao kay presidential spokesperson Harry Roque na inilarawan ang mga pasabog ng mambabatas na watusi imbes na atom bomb.
“Natatawa lang ako. Sabi nila ‘watusi.’ Sige, pagdating ko diyan, ‘watusi’ pala? Ipapalabas ko video, audio recording—kung papayag lang maipalabas pati audio recording,” ani Pacquiao sa panayam sa radyo.
Matatandaang sinabi ni Roque na walang kuwenta at watusi ang mga rebelasyon ni Pacquiao ukol sa umano’y katiwalian sa administrasyon ni Pangulong Duterte.
Kabilang sa mga kagawaran na talamak umano ang korupsyon ayon kay Pacquiao ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Energy (DOE) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
May mensahe rin si Pacquiao kay Duterte.
“Hindi ako nakikipagaway sa Pangulo. Hindi ako nakikipag-away sa iyo, Mr. President. Ang alam ko ayaw mo rin ng korapsyon. Kahit ilan beses tayong nag-uusap, Mr. President, lagi kong sinasabi sayo na ayaw ko ng corruption,” aniya.
Kasalukuyang nagsasanay sa Los Angeles si Pacquiao para sa laban niya kay Errol Spence Jr. sa Agosto. –A. Mae Rodriguez