Pagalingan nga tayo sa memorization–Pacquiao

NAGHAMON ni Sen. Manny Pacquiao sa pagalingan sa memorization para malaman ng publiko kung sino talaga ang punch drunk.


“Hindi naman ako sa nagyayabang pero makipag-contest na lang siguro ako ng memorization kung punch-drunk ako,” ani Pacquiao sa isang panayam sa radyo.


Hindi naman sinabi ng mambabatas kung sino nais niyang hamunin sa pagsasaulo. “Ayoko na lang umabot sa ganyan,” hirit ng boxing champion.


Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na punch drunk si Pacquiao matapos isiwalat ng huli na nawawala umano ang P10.4 bilyon pondo ng Social Amelioration Program.


“Mga kaibigan, huwag kayong maniwala riyan na P10 billion mawala…I think Pacquiao is punch-drunk,” ani Duterte.


“I think he is, to be talking about P10 billion from nowhere. Papayag ba naman ako? At hindi lang ‘yan, papayag ba kami, papayag ba ang mga secretary ng mga departamento na papayag, na ganoon, may mawala na P10 billion? That is a statement coming from a guy who is punch-drunk. Lasing,” dagdag ng Pangulo.


Samantala, sinabi ni Pacquiao sa panayam na nalulungkot siya sa mga panunuya sa kanya ng mga opisyal ng gobyerno.


“Naaawa ako sa sambayanang Pilipino, kasi kung ako na senador, in-elect ng tao, ako na Manny Pacquiao, kaya nilang ganyanin, ano pa kaya ang mga maliliit na tao, yung mahihirap na tao?” aniya. –A. Mae Rodriguez