IBINUKING ng kanyang kaibigang si dating Bacolod City Rep. Monico Puentevella si Sen. Manny Pacquiao na siyento por siyento umano itong tatakbo sa pagkapresidente sa 2022 elections.
Sa isang panayam, sinabi ni Puentevella na hindi mapipigilan ang kandidatura ni Pacquiao kahit pa suportahan ng kanyang partido na PDP-Laban ang pagtakbo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagkapangulo.
“Si Senador naman, okay lang maski sino, lalaban ‘yan. Para sa kanya, panahon na.
Sa usapan namin ay tuloy na tuloy na because hindi na niya makaya ang nakikita niyang mga kakulangan sa bayan,” dagdag ni Puentevella. “Napuno na siya, gusto na niyang magserbisyo sa tao.”
Sinabi rin niya na mas mabuting ideklara na ng PDP-Laban ang standard bearer nito habang maaga.
“(Para) malaman niya (Pacquiao) ang katotohanan sa loob. Because kung hindi si Senador ang pipiliin, lalaban ito,” sabi pa ng dating alkalde ng Bacolod City.
Isiniwalat din niya na may ilang partido na ang kumukumbinse kay Pacquiao na sumapi sa kanila.