INAPRUBAHAN na ng House of Representatives Miyerkules ng gabi ang P6.352 trilyon proposed national budget sa 2025.
Sa botong 285 kontra 3, at zero abstention, ipinasa ng Kamara ang House Bill 10800 or the 2025 General Appropriations Bill (GAB) sa ikatlo at huling pagbasa matapos itong sertipikahan ni Pangulong Bongbong Marcos na urgent.
Sa kanyang liham kay Speaker Martin Romualdez at Senate President Francis Escudero, hiniling ni Marcos na siguraduhin na agad na maipapasa ang panukalang budget “to ensure the uninterrupted operation of critical government functions, guarantee allocation of fiscal resources for vital initiatives, and enable the government to adeptly respond to emerging challenges.”
Pinasalamatan naman ni Romualdez ang mga kasamahan dahil sa agaran ngunit masinsin na deliberasyon sa panukala.
“With the eventual approval of the nation’s 2025 budget not far behind, the national government is more than ready to finance and implement its future initiatives and flagship projects,” ayon sa pinuno ng Kamara.
“We remain true to our objective to pursue an Agenda for Prosperity and enable every Filipino to directly experience and equitably share the gains brought by our collective and solid efforts,” dagdag pa nito.