POSIBLENG maging P20 ang kada kilo ng bigas sa unang bahagi ng 2023, ayon sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Ito ay kung susundin ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukala ng DAR. Nauna nang nangako si Marcos na ibaba ang presyo ng bigas hanggang P20 kada kilo.
Sinabi ni DAR Secretary Bernie Cruz nitong Lunes na umaasa siyang pag-usapan ang kanilang panukala kasama si Marcos, iba pang ahensya ng gobyerno, at local government units para makamit ang adhikain.
“‘Pag na-discuss po natin ‘yung details with the president-elect, sigurado po na magkakaroon ng guidelines within the next six months ay makikita natin,” ani Cruz.
“Siguro po first quarter next year baka may makita po,” sinabi niya nang tanungin kung posible ang P20 kada kilo ng bigas. Ani Cruz, posible ito sa pamamagitan ng mega farm project ng ahensya.