ISINULONG ng National Labor Coalition ang P100 umento sa sahod sa harap ng pagtaas ng presyo ng pagkain, pasahe, at kuryente.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni National Labor Coalition spokesperson Renato Magtubo na nakatakdang ihain ng grupo ang petisyon sa regional wage board.
“Almost P100 ang nawala sa purchasing power ng minimum wage earner sa Metro Manila in the first 100 days sa panahon ni Pangulong Marcos, P100 ang nawala sa sweldo namin,” sabi ni Magtubo.
Idinagdag ni Magtubo na inaasahang tataas pa ang inflation rate pagdating ng Disyembre matapos namang makapagtala ng 6.9 porsiyento nitong Setyembre.
“Sa aming pag-aaral, mula 2001 hanggang 2016, tumaas ang productivity ng mga manggagawa pero hindi tumaas ang sweldo, so may failure sa wage mechanism,” dagdag ni Magtubo.
Sinabi pa ni Magtubo na mula 2018, nasa P1,300 na ang cost of living ng pamilyang may limang miyembro sa Metro Manila.
“Ang effort namin to call for the wage board na i-entertain ang mga petitions for wage increase dahil may supervening events na, ang inflation natin ay tumatama sa pagkain, kuryente, transportation, mahahalagang factors yan sa mga manggagawa. So, dapat ang wage boards ay umakto rito para sa mga petition for a wage increase,” ayon pa kay Magtubo.