PINOY boxer and Olympic silver medalist Onyok Velasco umamin na 50 percent lang ng mga ipinangakong insentibo ang naibigay sa kanya ng gobyerno.
Ginawa ni Velasco ang pahayag matapos ang kabi-kabilang insentibong ibibigay diumano ng pamahalaan sa Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz.
Ibinunyag ng 1996 Atlanta Olympics Silver Medalist na 50 percent lamang ang binigay ng gobyerno sa kanya mula sa pangakong incentives na ibibigay dahil sa pagkapanalo niya.
“Yung pangako sa akin ng gobyerno 50 percent lang ang ibinigay. ‘Yung 50 percent wala,” pahayag ng Pinoy boxer.
Sa ilalim ng RA 9064 o National Athletes, Coaches and Trainers Benefits and Incentives Act of 2001, nakatakdang makatanggap ng P2.5M cash incentives ang mga olympic silver medalist tulad ni Onyok.
Noong 2016 ay inamin ni Onyok sa panayam sa kanya ng “Aksyon News5” ang kanyang pagkadismaya na hindi pa rin niya nakukuha ang ipinangako sa kanyang incentives.