KINONDENA ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang desisyon ng National Telecommunications Commission (NTC) na i-block ang 23 website ng 24 progresibong grupo at alternatibong news site.
Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni NUJP president Jonathan De Santos na kapag hindi ito napigilan, maaaring gawin din ito sa mainstream media.
“Delikado ito, hindi ito dahil hindi sa familiar yung mga newsrooms na na-block, ay hindi dapat tayo matakot, o hindi dapat tayo kabahan, dahil itong arbitrary power na ito ay pwedeng gamitin kahit kanino na kung lumagpas yung ganito,” sabi ni De Santos.
Idinagdag ni De Santos na hindi dapat matakot ang mga miyembro ng media sa ginawa ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.
“Coverage is not affiliation, it’s not support, kasama siya sa trabaho natin. Pwedeng kabahan na tayo kapag nag-cover na ako ng isyu, parang hindi gusto ng gobyerno, ay ma-block din ako. O ‘ako naman ang susunod na target.’ Hindi tayo dapat magpadala sa ganitong takot. At sa public naman, sana patuloy na suportahan ang mamamahayag natin lalo na medyo very challenging times na ganito,” dagdag ni De Santos.
Kabilang sa mga na-block ay ang Bulatlat at Pinoy Weekly na kapwa independent media outlet.