MALAKI ang maitutulong sa oposisyon ang pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino para isulong ang kandidatura nito na tatapat sa mga pambato ng administrasyon sa darating na 2022 national elections.
Ayon kay University of the Philippines (UP) Department of Political Science Professor Aries Arugay na maaaring gamitin ng oposisyon ang “Noynoy magic” para bigyan ng magandang tsansa ang laban nito simula sa filing ng certificate of candidacy hanggang sa araw ng halalan.
Dagdag pa nito, gagamiting istratehhiya ng oposisyon sa kanilang kampanya ang iniwang legacy at uri ng pamamahala ng yumaong pangulo.
Malaki rin aniya ang maitutulong ng kapatid ni Noynoy na si Kris Aquino sa oposisyon kung kakandidato ito o mage-endorso ng kandidato.
Dagdag pa ni Arugay malaki pa rin ang impluwensya sa politika ng pamilyang Aquino.
Matatandaang malaki rin ang naging impluwensya ng pagkamatay ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 2009 sa pagtakbo at pagkapanalo ni Noynoy bilang presidente sa noong 2010 elections.
Namatay si Noynoy noong Huwebes dahil sa renal failure secondary to diabetes. Inilagak ang kanyang abo katabi ng puntod ng kanyang mga magulang noong Sabado sa Manila Memorial Park sa Paranaque.