INAMIN ni Pangulong Duterte na ang pangako niya noong 2016 na sasakay ng jet ski patungong Spratly Islands para magtitirik ng bandila ng Pilipinas ay isa lamang “pure campaign joke” habang tinawag naman niyang “stupid’ ang mga naniniwala sa kanya.
“Panahon ‘yan sa kampanya. At saka ‘yung biro na ‘yun, ‘yung bravado ko, it was a pure campaign joke. At kung naniniwala kayo sa kabila, pati na siguro si (retired Supreme Court justice Antonio) Carpio, I would say you’re stupid,” ani Duterte sa kanyang Talk to the People address Lunes ng gabi.
Nagbiro pa si Duterte na sa kagustuhan niyang tuparin ang ipinangako ay bumili siya ng second-hand na jet ski pero naisip niyang walang mangyayari dahil mauubusan siya ng gasolina sa gitna ng dagat at baka lamunin siya ng mga alon.
“Nagplano ako niyan. Bumili ako ng jet ski, ang kaya ko second-hand lang. So nag-order ako ng piyesa, hanggang ngayon hindi pa dumating since then. Walang dumating e, wala akong magawa,” aniya.
“Sige, maghanap ka ng tao dito magpunta ng jet ski. Hindi ako mag-aabot pa ng ilang oras, I would conk out in the middle of the sea. Sabi nila, ang alon pala diyan, kasinglaki ng dagat,” dagdag ni Duterte.
Aniya, hindi na niya itinuloy ang plano dahil hindi rin siya marunong lumangoy sakaling lumubog ang jet ski.
“Sabi ko, mahirap ito. Sabihin ko na lang balang araw na inabot ako ng takot. Wala akong magawa. Takot akong mamatay. Alam ba ninyo na hindi ako marunong maglangoy? Eh kung matumba ‘yang yawa na ‘yan, magkakapa-kapa na ako. By this time, I would’ve been the late Rodrigo Duterte,” sabi pa niya. –WC