Motibo ng Maharlika Wealth Fund

SUMASABOG na sa mga mukha ng mga nagpupush ng panukalang P275 bilyong Maharlika fund o Sovereign Wealth Fund.

Tatlong bagay lang ang gusto kong ipuntos o bigyang diin.

Although tulad ng ibang kababayan at grupong nagsusuri, konkreto at matalas ang mga dahilan ng pagtutol ng mga mamamayan sa kanilang petisyon sa Change.org laban sa Maharlika Wealth Fund (MWF). 

Pakisilipin, basahin at pumirma na rin kayo.

Anyways.

Una, wrong timing. 

Patuloy na tumataas ang presyo ng bilihin sa bilis na 8.0% inflation nitong Nobyembre 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Merong 1.8 milyon ang walang trabaho kasama na ako at underemployed na 7.03 milyon as of Sept 2022, ayon din sa PSA.

Sa Social Weather Station survey na inilabas nitong October, may 2.9 milyong Pinoy ang nakaranas ng gutom.

Pinalala ito ng sunod-sunod na food shortages sa bigas, asukal, isda, sibuyas atbp.

At nung end-September, tumalon na sa P13.52 trillion ang utang ng Pilipinas, ayon sa National Treasury.

Sa inilabas na survey ng Department of Social Welfare and Development nito lang November 23, umakyat sa 5.2 milyon pamilya ang mahirap o 28-31 milyon individuals.

Pero hindi lang sa kabuhayan tayo dumaranas ng poverty, bumagsak ang Pilipinas sa worst learning poverty na 90.9% as of June 2022 ayon sa World Bank. 

Ibig sabihin, siyam sa bawat 10 bata edad 10, ang hirap bumasa at lalong hirap umintindi ng kanilang binasa.

Nilalamon ng samu’t saring krisis na ito ang bulsa, bituka, katinuan at dignidad ng mga Pilipino. 

Tapos, ang solusyon — bukod sa food importation, ROTC, toothbrush drills at pamamasyal sa iba-ibang bansa, hahainan ka ng panukalang Maharlika Wealth Fund? 

Baka pwedeng unahin nyo na munang lutasin ang mga problemang yan, imbes na limasin ninyo ang pension funds ng mga manggagawa (GSIS, SSS) na pinoproblema rin ng government financial institutions (GFIs) na yan.

2. Pangalawa, unconstitutional.

Short and sour lang ito:

Naninindigan si retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, hindi pwedeng gamitin at pakinabangan ng hindi member ng GSIS at SSS ang perang hulog at puhunan ng members.

Naniniwala ako riyan dahil totoo at malinaw sa akin na SSS member.

Paghahalintulad ni Carpio, iyan ay pagkuha ng pribadong ari-arian para sa gamit pampubliko nang walang sapat na kabayaran.

Labag yan sa Saligang Batas giit ni Carpio.

Personal contributions yan ng mga nagtatrabaho at ng kanilang employers tapos wawaldasin sa madlang pipol. Kaya members lang dapat ang entitled sa benefits.

Kasama rin sa pagkukuhanan ng pondo ang OFW remittances.

Gera on all fronts talaga ang pasasabugin ng Kamara sa panukalang ito.

Kasi meron pang National Treasury – pondo yan mismo ng taumbayan.

3. Pangatlo, bistado ang motibo.

Inisponsor nina House Speaker Martin Romualdez na pinsang buo ni Marcos Jr. at Deputy Majority Leader Sandro Marcos, anak ni Marcos Jr. ang House Bill 6398 o Maharlika Wealth Fund Act.

Tapos si Marcos Jr. naman ang inilagay na chairman ng Maharlika Wealth Fund.

Maharlika triad ang dating.

Lightning approval ang ginawa ng House, brinaso.

November 28, Lunes, tinalakay ang House Bill 6398 o Maharlika Wealth Fund Act.

Huwebes, December 1, inaprubahan ito ng House Committee on Bank and Financial Intermediaries.

Ayon kay ACT Party-list Rep. France Castro, ire-refer pa ang panukala sa Committees on Appropriations at Ways and Means. Target ipasa ngayong linggo. Pamasko ba ito ng Kamara kay Marcos Jr.

Nung panahon ni Duterte, inilako na ito. 

Sabi noon ni Secretary Benjamin Diokno, inutusan siyang siguruhin na ang Sovereign Wealth Fund (SWF) ay hindi dapat maugnay o madikit sa presidente para kahit sino ang umupo sa Palasyo ay hindi mapapakialaman ang pera.

Ibig sabihin, distansya ang sinumang pangulo sa SWF para hindi mapulitika o manakaw ang pondo.

Naaayon ito sa sound governance practice o ang tinatawag na Santiago Principles na pinagkasunduan ng iba-ibang bansa na may Sovereign Wealth Fund noong October, 2008.

Ang Santiago Principles ay ang Generally Accepted Principles and Practices (GAPP) o maayos na pamamahala ng pondo para maiwasan din na ma-corrupt.

Itinataguyod ito ng International Forum of Sovereign Wealth Fund (IFSWF) na may basbas ng World Bank at may global network ng higit 40 bansa.

Pero sa bersyon na ipinasa ng Kamara, binalewala ang sound governance practice na ito at minandato nga si Marcos Jr. na tatayong Chairman.

Wag nating kalimutan, kakontsaba ng namatay na diktador na si Marcos Sr., si Marcos Jr., sa pandarambong ng pera ng bayan.

Inappoint ng tatay ang anak bilang chairman of the board ng Philippine Communications Satellite Corporation o PhilComSat na kumukubra ng milyones kahit hindi nagtatrabaho.

So, may history ng pagnanakaw noon pa man.

Dahil rekta na ang presidente sa pamamahala ng Maharlika Wealth Fund, malinaw na ang motibo – magnakaw, plain and simple.

Kahit pa sinabi ni Marcos Jr. na dapat pa itong debatehin, syempre, salita na lang yan.

Sa dinami-rami ng may utang na loob sa Marcos nung kampanyahan at sa diktador nung siya’y nabubuhay pa, syempre ipapasa nila ito.  

Yes, political patronage.

Huling hirit lang.

Alam nyo ba ang totoong ibig sabihin ng Maharlika?

Sabi kasi ni Marcos Jr., ang Maharlika ay nobility.

Pero ang tunay na translation o kahulugan ng Maharlika ay malayang tao o freeman, at hindi nobility o royalty.

Ayon yan kay De La Salle University assistant professorial lecturer at historian na si Xiao Chua.

Sabi ni Chua, mistranslated o mali ang translation sa historical text na ginawa ng mga Amerikanong nagsalin ng mga dokumentong nasa wikang Espańol.

Yan naman ay naiwasto, nang napag-aralang mali ang translation. 

Hayahay, eto talagang si Marcos Jr., hindi lang kasaysayan ang binabago, pati translation at meaning ng salita, minamali.

Pwera lang kung di niya talaga alam, may tawag dun e.