NAGBANGAYAN sa social media sina Mocha Uson at Arnold Clavio makaraang magpahayag ng pagdududa ang beteranong brodkaster sa mga larawan ni Pangulong Duterte na ipinost ni Sen. Bong Go.
Nagsimula ang palitan ng salita ng dalawa nang i-post ni Clavio ang selfie nina Duterte at Go sa Instagram na nilagyan niya ng caption na, “Talasan ang mga mata. Huwag tayong magpapalansi. Parehong gumagalaw ang kamay ng magkabilang panig at tila inaaliw ang publiko para makalimutan ang totoong problema. Laro ng mga tanga. Ama nasaan ka? Bakit mo kami pinabayaan?”
Gigil naman itong sinagot sa Facebook ni Uson, ang Deputy Administrator for Membership Promotion, OFW Family Welfare, and Media Relations ng Overseas Workers Welfare Administration.
“Ang trabaho na pala ng mga journalist na ngayon ay mang intriga. Mga Banateros pag may time kayo pa hi kay CALVO ay Clavio pala,” ani Uson.
Hindi nagpatinag si Clavio at bumanat din kay Uson.
“Hindi intriga yan. Lehitimong tanong yan. Alam kong di mo alam ang pagkakaiba. May pandemic. Hindi nagpapakita? Nagkakagulo na sa ayuda at bakuna, wala pa rin. 401 ang bagong patay. 12 libo ang bagong kaso ngayong araw, ako pa rin ang pagkakaabalahan mo. Sino ba nagpalabas ng kuwestyonableng larawan? Teka ikaw? Nasaan ka rin pala? Hinahanap ka ng mga OFW na umuwi at naka-quarantine. Di ka nararamdaman. Tapos na 9 months ah! Sa mga may ‘utak’, say hello kay… never mind,” komento niya sa Instagram.