NANINDIGAN ang Palasyo na dapat habulin ng Bureau of Internal Revenue ang lahat ng hindi nagbabayad ng kanilang buwis sa gitna ng mga isyu hinggil sa hindi pagbabayad ng pamilya Marcos ng kanilang P203 bilyong estate tax debt.
“Hindi lang sa kung sinong politiko o personalidad. Aba dapat sa lahat ng hindi nagbabayad ay habulin ng BIR sapagkat kailangan ng karagdagang pondo ang ating national government,” ayon kay acting presidential spokesperson Martin Andanar nang tanungin siya kung hindi ba nakikita ng Palasyo ang urgency nang paniningil ng BIR sa mga Marcos sa nasabing utang ng mga ito.
Nitong Martes sa kanyang Talk To The People, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat usisain ang BIR kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa nito nakokolekta ang matagal na utang na estate tax. Hindi naman tinukoy ni Duterte kung sino ang dapat na singilin.