Marcos inisa-isa ang nagawa sa unang 100 araw sa pwesto

INISA-ISA ni Pangulong Marcos ang kanyang nagawa sa unang 100 araw niya sa pwesto.

“Ang pagbangon ng ating ekonomiya ay pagbangon ng pamilyang Pilipino kaya naman puspusan ang ating ginagawang mga hakbang para dumami ang hanapbuhay at oportunidad dito sa bansa,” sabi ni Marcos sa kanya vlog.

Idinagdag ni Marcos na ang PinasLakas Program ay isa sa mga nagawa sa unang 100 araw ng kanyang administrasyon.

Ayon kay Marcos, niluwagan ang mga panuntunan kaugnay ng coronavirus disease (Covid-19) matapos 73 milyong Pinoy ang nabigyan ng dalawang dose ng bakuna at 19 na milyon naman ang nakatanggap ng isang booster.

“Ipagpapatuloy lang ang programang yan dahil sa magandang numero natin, umabot na po tayo sa puntong na voluntary na lang ang pagsusuot ng face mask sa labas,” dagdag ni Marcos.

Idinagdag nita na nagpalabas naman ng P1 bilyon para sa special risk allowance ng mga healthcare workers

Aniya, P84.1 milyon naman ang inilaan para sa agrikultura.

“Nandiyan din ang mabilisang pagbibigay ng ayuda para sa mga nasirang taniman mula sa bagyong Karding,” ayon pa kay Marcos.

Binanggit din ni Marcos ang moratorium sa pagbabayad ng amortization ng mga magsasakang sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

“Hininto din muna natin ang pagsisingil ng principal obligation at interest amortization ng ating mga magsasaka para makagaang sa kanilang mga gastusin,” aniya.

Inamin naman ni Marcos na marami pa siyang hindi natutupad sa kanyang mga pangako noong kampanya.

“Malaking oras lang ang inilaan natin sa paghahanap ng sinasabing best and brightest na mga appointee,” aniya.