IBINIDA ni Pangulong Bongbong Marcos sa Filipino community ang kanyang nagawa matapos dumalo sa World Economic Forum (WEF)) sa Davos, Switzerland.
“Kaya’t natutuwa naman kami at sa aking palagay, sa dalawang araw na nandito kami, marami naman talaga kaming nakausap, marami kaming nasimulan. Lahat naman ito ay simula lamang.
“Ngunit kailangan buksan ang tinatawag nga na lines of communication. Kaya’t siguro we can say that we are satisfied that we were able to do, most if not all of the things that we wanted to do while we were here in Davos,” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati sa harap Filipino community sa Zurich, Switzerland.
Kasabay nito, ikinuwento ni Marcos na hindi sanay ang kanyang delegasyon sa lamig sa Switzerland.
“Yun lang ang reklamo ng lahat, ang ganda-ganda ng Switzerland, ang ginaw lang. Akala ninyo naka-amerikana ako, ang daming layer nito, siguro mga pito ‘yung layer nitong — itong ano ko… Alam mo, wala kaming weather na ganito — wala kaming ganitong weather sa Batac kaya’t medyo nahihirapan kami,” dagdag ni Marcos.
Nauna nang binatikos ng Makabayan bloc sa Kamara ang umano’y magarbong biyahe ni Marcos matapos naman ang ulat na 70 personalidad ang kasama sa biyahe.
Nakatakdang bumalik si Marcos sa Pilipinas ngayong Sabado.